Inihain nitong Lunes ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang Senate Bill No. 2995, na naglalayong magtatag ng Talampas ng Pilipinas Oil Corporation (TPOC).
“Mahalaga ang pagbubuo ng TPOC para bawasan ang labis na pagsandig ng ating ekonomiya sa mahal at imported na langis. Hangad din natin sa pangmatagalan ang pagkakaroon ng sariling upstream oil industry,” paliwanag ng senador mula Tagaytay.
“Kinakatawan ng Talampas ng Pilipinas (‘Talampas’) ang pangarap ng mga Pilipino na magkaroon ng sariling langis ang ating bansa sa mababang halaga,” dagdag nya.
Magugunita na noon lang isang buwan ay pormal nang tinanggap ng International Seabed Authority ang mapa ng ‘Talampas’ bilang bahagi ng Pilipinas, matapos itong ideposito ng pamahalaan sa records ng pandaigdigang ahensya.
“Kung ikukumpara sa Malampaya gas field [sa Palawan], ‘di hamak na mas malaki at mas mayaman ang Talampas, na matatagpuan sa hilagang-silangang karagatan ng Luzon,” paliwanag ni TOL. “Binubuo ito ng 24 milyong ektarya ng yamang dagat, kabilang ang 13.5 milyong ektaryang Talampas sa ibabaw na bahagi nito.”
Para sa kaalaman ng publiko, inilahad ni Tolentino sa kanyang explanatory note sa SB 2995 ang ilang mahahalagang datos ukol sa kasalukuyang estado ng lokal na industriya ng langis:
- Taun-taon, tinatayang 170 million barrels ng krudo at produktong petrolyo ang inaangkat ng Pilipinas para tugunan ang lokal na demand;
- Nangunguna sa mga supplier ng langis sa bansa ang Saudi Arabia (taya: 80 million barrels) at Kuwait (40 million barrels); at
- Pinupunan naman ng mga karatig-bansang Malaysia at Indonesia (30 million barrels), at ng Russia (20 million barrels) ang nalalabing pangangailan ng Pilipinas.
Ayon pa kay TOL, sa harap ng napakalaking pangangailangan sa langis ng ekonomiya ay nakapagpo-prodyus lamang tayo ng tinatayang 23,000 barrels.
“Nagmumula ang bulto ng lokal na produksyon sa Galoc oil field ng Palawan,” dagdag nya.
Punto rin ni TOL, ngayong taon ay tinatayang aabot sa 200 million barrels ang kabuuang pangangailangan ng Pilipinas.
“Kung kaya sa harap ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang pamilihan, na may malaking epekto sa mga lokal na konsyumer at negosyo, hindi ba’t napapanahon na para tayo naman ay seryosong kumilos para ibsan ang kalbaryong ito?” tanong ng mambabatas.
Kaakibat ng TPOC bill ang SB 2996, na inihain din ni Tolentino kahapon para naman sa pagbubuo ng Talampas ng Pilipinas Development Authority.
post comments
Together We Rise: A Campaign for Everyone