Caloocan City – Nakidalamhati si Senate Majority Leader Francis ‘TOL’ Tolentino sa pagkasawi ng dalawang piloto ng air force mula sa bumagsak na FA-50 jet fighter habang nasa combat mission sa Bukidnon.

“Nakalulungkot ang pagkawala ng dalawa nating piloto. Nakikiramay ako sa kanilang pamilya at mga mahal sa buhay,” binanggit ni Tolentino sa isang ambush interview sa Caloocan.

“Bagong bili ang FA-50 jet fighter. Antayin natin ang resulta ng imbestigasyon sa wreckage,” sagot ng senador nang tanungin kung makakaapekto ang jet crash sa air defense ng bansa, matapos ang grounding ng buong FA-50 fleet.

“Hindi dapat maantala ang AFP modernization program, bagkus, dapat nating ipagpatuloy ang modernisasyon ng ating pwersa at mga gamit pang-depensa,” dagdag ni Tolentino, isang reservist sa Philippine Army na may ranggong Brigadier General.

Sa kaugnay na isyu ay kinilala ni Tolentino ang Armed Forces of the Philippines sa matagumpay nitong pagsasagawa ng routine rotation and resupply (RORE) mission para sa mga sundalong Pilipino na nakahimpil sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, West Philippine Sea.

“Mahusay ang ipinakita ng Western Command, Philippine Coast Guard, at buong AFP,” ayon sa reelectionist senator. Si Tolentino ang may akda ng Philippine Maritime Zones Act (RA 12064), na naglalayong palakasin ang karapatan sa teritoryo at soberanya ng bansa.

 

post comments