Limay, Bataan – Ipinahayag ni reelectionist Senator Francis ‘TOL’ Tolentino na malapit nang ipamahagi ang kumpensasyon para sa mga mangingisdang sinalanta ng malawakang oil spill na nangyari sa karagatan ng bayang ito noong isang taon.
Ito ay batay sa impormasyong ibinahagi sa kanya ni Limay Mayor Richie Jason David, ayon kay Tolentino, na nagtalumpati sa pagpupulong ng mga lider at miyembro ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) sa probinsya.
“Pinag-uusapan namin ni Mayor kanina, yung oil spill. Ang balita sa akin ni Mayor ay malapit na raw magbigay ng compensation yung may-ari ng barko,” ani Tolentino.
Magugunita na si Tolentino ang naghain ng Senate Resolution No. 1084, na nagbunsod sa Senado na imbestigahan ang sanhi at epekto ng malawakang oil spill mula sa paglubog ng tanker na MT Terranova sa baybayin ng Limay, Bataan noong Hulyo, 2024.
Tinatayang 46,000 mangingisda mula sa mga lalawigan ng Bataan at Cavite, Kalakhang Maynila, at mga karatig-lugar ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa sakuna.
Matatandaan na noong panahong iyon ay ipinagbawal ng mga lokal na pamahalaan ang pamamalakaya at pagbebenta ng isda at lamang dagat sa mga lugar na inabot ng oil spill.
“Naaalala ko yan kasi noong kamakalawang linggo, namigay po ako ng bangka sa Tanza, Rosario, maging sa Naic, at Cavite City [lahat ay nasa probinsya ng Cavite] dahil sa oil spill,” pagbabahagi pa ng senador.
Aniya, ipinakita ng oil spill kung paano magkaugnay ang mga ekonomiya ng Cavite at Bataan. At lalo pa itong pahihigpitin sa napipintong konstruksyon ng 32-kilometrong Bataan-Cavite Interlink Bridge, dagdag ni TOL.
“Ganoon po yung nakikita ko na mangyayari: magiging magkakambal ang lalawigan ng Cavite at Bataan,” ani Tolentino, sabay diin sa kahalagahan ng mga inisyatibang mag-uugnay sa mga industriya at turismo ng dalawang lalawigan.
post comments
Together We Rise: A Campaign for Everyone