Naniniwala si Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino na kasama sa agenda ng China ang pagbasura sa Philippine Maritime Zones Law (Republic Act 12064) sa pagsuporta nito sa mga pro-China candidate sa darating na eleksyon.
“Kapag ni-repeal ang Maritime Zones Law sa susunod na Kongreso sa tulong ng mga mambabatas na pro-China, hihina ang batayan natin sa pakikipaglaban para sa West Philippine Sea at Talampas ng Pilipinas. Mapipilay tayo,” paalala ni Tolentino.
“Bibigyang-daan nito ang China para mas lalong makapanghimasok sa ating mga teritoryo sa ngalan kunwari ng freedom of navigation,” dagdag nya.
Ani Tolentino, kapag nangyari ito ay masasayang ang mga tagumpay na pinaghirapan ng bansa, tulad ng 2016 Hague arbitral ruling na nagbasura sa nine-dash line ng China, at sa makasaysayang pagpasa ng Philippine Maritime Zones Law noong isang taon, na nagpapatupad sa nasabing desisyon.
Tinukoy ni TOL ang paglalaway ng China sa Talampas ng Pilipinas, isang mayamang anyong dagat sa silangang bahagi ng Luzon, kung saan marami nang na-monitor na Chinese research ships at drones. Magugunita na idineposito ng gobyerno kamakailan ang mapa ng Talampas sa International Seabed Authority bilang bahagi ng bansa, alinsunod sa RA 12064.
Samantala, iniugnay ni TOL sa isyu ang isiniwalat nyang sabwatan sa pagitan ng Chinese embassy sa Pilipinas at lokal pr firm na InfinitUS Marketing Solutions, Inc.
“Hangad ng PR campaign na ito na paniwalain ang publiko na maganda ang pakay ng China para paunlarin ang Pilipinas,” aniya.
Nakapaloob sa PR campaign ang papel ng troll farms para siraan ang mga makabayang kandidato sa social media sa harap ng patuloy na agresyon ng China sa West Philippine Sea.
“Ito ang ayaw nating mangyari: ang paghatiin hanggang mabago nila ang saloobin ng publiko na hindi na kailangan pang sakupin ang ating bansa,” babala ng senador.
Kaugnay nito ay pinuna nya ang paglakas ng pro-China farm troll ops matapos isabatas noong Nobyembre ang RA 12064, na mariing kinondena ng gobyerno ng China.
post comments
Together We Rise: A Campaign for Everyone