Quezon City – Binigyang-diin ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang kahalagahan ng maayos na relocation sites para sa mga inilikas na komunidad dulot ng sakuna o malalaking proyekto gaya ng imprastraktura.

Sa pagpapasinaya sa tatlong bagong multi-purpose buildings, ibinahagi ni Tolentino sa mga residente ng Quezon City ang kanyang adbokasiya na mabigyan ng disenteng pabahay at relocation sites ang mga inililikas na komunidad.

“Hindi sapat na sila’y ilikas lang mula sa hazard zones tungo sa mas ligtas na lugar. Dapat ding matugunan ang kanilang mga batayang pangangailangan sa bago nilang komunidad,” ipinunto ni Tolentino.

Kabilang sa mga proyekto ng senador ang paggawad ng housing units para sa 450 pamilyang inilikas mula sa pagputok ng bulkang Taal noong 2020. Pinangunahan ni TOL ang pagbubukas sa naturang relocation site sa Talisay, Batangas noong 2023.

“Mula sa kanilang dating komunidad sa Volcano Island, ligtas na sila ngayong naninirahan sa labas ng 14-kilometer danger zone ng Taal. Mayroong paaralan at barangay doon para tugunan ang kanilang pangangailangan,” paliwanag nya.

Ibinahagi rin ng senador na mayroon syang kahalintulad na proyekto para sa mga residente ng Barangay Mauraro, Guinobatan, Albay; Cagayan de Oro; at Manggahan floodway sa Pasig.

Sa turnover ceremonies sa Quezon City, inihayag ng senador na makakatulong ang naturang mga gusali sa panahon ng sakuna at mahahalagang kaganapan sa komunidad.

“Magsisilbi rin itong espasyo para epektibong mapaglingkuran ng barangay ang mga residente,” dagdag pa nya ukol sa mga binuksang gusali sa barangay Holy Spirit, Payatas, at Bagong Silangan.

Nagpasalamat naman si Quezon City second district Councilor Mikey Belmonte kay Tolentino sa pagtulong sa lokal na pamahalaan na pangalagaan ang kanilang mga kalungsod.

Dating Alkalde ng Tagaytay City at Chairman of ng Metro Manila Development Authority (MMDA), malawak ang karanasan ni Tolentino sa disaster response at pagsasaayos ng mga komunidad na sinalanta ng sakuna.

post comments