Tulad ng matagumpay na programa ni dating Pangulong Ramon Magsaysay noong 1950s, nais ni Senate Majority Leader Francis ‘TOL’ Tolentino na magtatag ng settlements sa mga isla ng West Philippine Sea (WPS) para palakasin ang poder ng bansa sa inaagaw na teritoryo nito.
“Hangad kong magsulong ng batas na magtataguyod ng sustainable human settlements sa mga islang pag-aari natin sa WPS. Tatawagin itong West Philippine Sea Settlement Act,” sinabi ng reelectionist senator sa programang ‘Morning Matters’ sa One PH.
Ipinaliwanag ng senador na sa mga isla ng WPS, tanging ang island-municipality ng Kalayaan, na nasasakop ng Palawan, ang mayroong umiiral na komunidad.
“Pero paano naman ang Patag, Lawak, at iba pang mga isla na pagmamay-ari natin?” tanong ni Tolentino sa host na si Gretchen Ho. “Kailangan nating magtatag ng settlements. Tayo ang maglalagay ng imprastraktura, suporta sa agrikultura, maging ang populasyon.”
Dagdag n’ya: “Nagawa na ito noon ni Pangulong Magsaysay. Marami sa mga kababayan natin mula sa norte ang lumipat para manirahan sa Sultan Kudarat, GenSan…na kung tawagin natin ngayon ay SOCCSKSARGEN.”
Tinutukoy ni TOL ang repormang agraryo ni Magsaysay na nagtatag ng National Resettlement and Rehabilitation Administration (NARRA) noong 1954. Sa ilalim nito, libo-libong magsasaka at rebel returnees ang pinahintulutang lumipat sa Mindanao at Palawan para magkaroon ng sarili nilang sakahan at kabuhayan.
“Yan ang dahilan kung bakit maraming Ilokano, Ilonggo na nandoon. Pwede nating gawin muli yun, magkaroon ng viable human settlements ng mga Pilipino para mapagtibay na teritoryo natin ang mga islang ito. Kasi nakikita mo naman, kahit Palawan ay plano nang angkinin ng China.”
Aniya, pwedeng maglagay ng mga pasilidad para sa pangingisda at turismo bilang suporta sa kabuhayan ng mga ookupa sa WPS islands.
“Pwede tayong maglaan ng cold storage facilities para sa huli ng mga mangingisda. Pwede tayong magtatag ng tourist facilities. Pwede rin ang marine at scientific research, na pinahihintulutan ng UNCLOS,” ipinunto nya.
Si Tolentino ang punong may-akda ng makasaysayang Philippine Maritime Zones Act (Republic Act 12064) na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. noong Nobyembre.
post comments
Together We Rise: A Campaign for Everyone