Dapat gawing bahagi ng pagsuporta sa mga lokal na produkto ang proteksyon sa mga lupang agrikultural na nagsisilbi sa lokal na industriya nito.

Ito ang iminungkahi ni Reelectionist Senator Francis ‘TOL’ Tolentino nang tanungin kung paano tutugunan ng gobyerno ang walang habas na kumbersyon ng mga niyugan sa lalawigan, para magbigay-daan sa mga subdivision at commercial establishments.

“Dapat humanap tayo ng paraan kung paano iuugnay ang ‘One Town, One Product’ law na ipinasa kamakailan para punan ang kawalan ng isang National Land Use Plan,” sagot ni TOL sa tanong ng isang lokal na mamamahayag sa Alyansa press conference sa Laguna.

Tinutukoy ng senador ang Republic Act No. 11981, o ang ‘Tatak Pinoy’ Law na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. noong nakaraang taon.

Pag-aaralan umano ni Tolentino ang implementing rules ng naturang batas para higpitan ang mga patakaran laban sa malawakang kumbersyon ng mga lupang sakahan, ‘di lang sa Laguna, kundi maging sa ibang mga lalawigan.

“Pwede nating higpitan ang pag-iisyu ng permits at clearances. Hindi dapat payagang tagpasin ang coconut plantations nang ganun ganun na lang,” diin ng senador.

“Noong bata pa ako, naalala ko pa na naroon sa San Pablo City ang Franklin Baker,” pagbabahagi ni Tolentino. Naging kilala ang naturang kumpanya sa produksyon ng desiccated coconut at sa pag-aangkat ng coconut ingredients sa malalaking confectioneries sa buong mundo.

Dagdag pa rito, kilala ang Laguna sa mga produkto nitong nagmula sa industriya ng niyog, gaya ng sikat na pasalubong na buko pie.

Ayon pa kay TOL, maaaring gamitin ang naturang patakaran para protektahan ang lanzones farms sa Alaminos at mga palayan sa Victoria at Pila mula sa malawakang land-use conversion.

Bilang huli, idiniin ni TOL ang kanyang pagsuporta sa pagpasa sa National Land Use Plan Act, na lagpas isang dekada na umanong nakabinbin sa Kongreso.

“Suportado ko ang panawagan para buhayin ang National Land Use Plan Act na matagal nang nakabinbin, ayon kay Senate President Vicente Sotto III, mula pa noong 15th Congress,” ani Tolentino.

Layunin ng naturang panukala na magtakda ng sistema sa angkop na gamit at alokasyon ng kalupaan ng bansa – kabilang ang proteksyon sa mga lupang agrikultural na kailangan sa produksyon ng pagkain at mga lokal na industriya.

post comments