General Mariano Alvarez, Cavite – Dapat gamitin ang teknolohiya para magsulong ng mga makabagong solusyon sa problema ng trapiko.

Ito ang buod ng mensahe ni Caviteño Reelectionist Senator Francis ‘TOL’ Tolentino sa pagpapasinaya ng bagong ‘smart’ traffic signalization system sa General Mariano Alvarez (GMA), Cavite, Biyernes ng umaga.

“Ang traffic ay kadalasang dulot ng paglaki ng populasyon at urbanisasyon. Isa itong katotohanan na dapat nating kaharapin. Maraming pwedeng solusyon, kabilang ang paggamit ng makabagong teknolohiya,” binanggit ni Tolentino sa pagbubukas ng bagong traffic signal lights sa panulukan ng Governor’s Drive at Congressional Road.

Gamit ang ‘smart technology’ mula Korea, may naka-install na sensor cameras ang traffic lights na kayang iayon ang tagal ng green light, depende sa sitwasyon ng trapiko.

“Sa patuloy na pagsulong ng inyong komunidad, nawa’y makatulong ang proyektong ito sa kaayusan ng trapiko, at sa kaligtasan at kapakanan ng mga pedestrian at motorista,” ayon sa senador, na ang pamangkin na si Athena Tolentino ay ang kasalukuyang Gobernadora ng Cavite.

Ang seremonya ay dinaluhan ni GMA Mayor Maricel Torres, katuwang ang municipal at transportation officials.

Ang proyekto ay bahagi ng Traffic Management Mentorship Assistance Program, isang kolaborasyon sa pagitan ng senador at ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO).

Magugunita na naglunsad ng katulad na proyekto si Tolentino kamakailan sa Naga City, Camarines Sur, at sa Dumaguete City, Negros Island Region noong Pebrero.

Ang paghahatid ng makabagong solusyon sa trapiko ay kasama sa matagal nang adbokasiya ni Tolentino, na dating nagsilbi bilang Chairman of the Metro Manila Development Authority (MMDA).

post comments