Mariing kinondena ni reelectionist Senator Francis ‘TOL’ Tolentino ang pagbangga sa isang bangka ng mga Pilipinong mangingisda malapit sa Spratly Islands, West Philippine Sea, na nagdulot sa pagkawasak nito.

Gayundin, nagpahayag ng suporta ang senador sa pagsisikap ng Philippine Coast Guard (PCG) na kilalanin at tuntunin ang barkong responsable sa insidente na naganap noong pang Enero 30.

“Nagpapasalamat ako na nailigtas ang lima sa walong mangingisda na nakitang palutang-lutang sa laot matapos ang 17 araw. Base sa mga balita, ay mga ka-probinsya ko pa sila mula sa Naic, Cavite,” ayon sa senador na sya ring Chairman ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones.

“Pero tatlong mangingisda pa ang nawawala. Nananalig ako na sila’y mahahanap nang ligtas. Dapat ding matunton ang barkong bumangga sa kanila, para makapagsagawa ng nararapat na aksyon ang gobyerno,” dagdag nya.

Ayon kay Tolentino, maraming katulad na insidente ang nangyari kamakailan, gaya ng hit-and-run sa isang bangkang pangisda ng isang foreign cargo vessel sa Subic, Zambales noong Hulyo, 2024. Di pa rin natatagpuan ang isa sa mga biktima ng insidente.

Tinukoy din nya ang pagbangga ng isang oil tanker sa isang bangkang pangisda malapit sa Panatag Shoal noong Oktubre, 2023. Tatlong mangingisda ang namatay dito.

“Isinulong ko ang Archipelagic Sea Lanes Law para maiwasan ang mga insidenteng ganito. Itinatakda ng batas ang mga sea lanes na magsisilbing ‘expressways’ para sa mga banyagang barko na daraan sa ating archipelagic waters. Sa ganitong paraan ay mas masisiguro ang kaligtasan ng ating mga mangingisda sa laot,” ayon kay Tolentino, na ang tinutukoy ay ang Republic Act 12065.

Magugunita rin na noong Pebrero 9 ay namahagi si Tolentino ng mga fiberglass reinforced boats sa mga asosasyon ng mangingisda sa Naic, Tanza, Rosario, at Cavite City sa lalawigan ng Cavite. Ang naturang mga bangka ay may naka-install na transponders, na magta-transmit ng datos ukol sa lokasyon ng bangka habang ito’y nasa laot, para sa kaligtasan ng mga mangingisda.

Sa kaugnay na isyu, pinuri ni Tolentino ang paglagda ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa Republic Act 12122, na magtatakda ng tatlong taong fixed term para sa Commandant ng PCG.

Ayon sa senador, makatutulong ang bagong batas sa PCG para mas mabuti nitong maplano ang mga pangmatagalang programa ng ahensya para sa seguridad at kaligtasan ng karagatan ng bansa.

Si Tolentino ay kumakandidato sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas at Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, na pinamumunuan ni Pangulong Marcos Jr.

post comments