Namahagi ng motorized fiberglass boats si Senate Majority Leader Francis “TOL” Tolentino sa mga mangingisda sa lalawigan ng Cavite. Ito’y bilang pagtupad sa pangako ng senador, matapos salantain ng malawakang oil spill ang kanilang kabuhayan noong isang taon.
“Pumapalaot sila bawat araw para maghatid ng isda sa ating mga hapag-kainan, pero ang mga mangingisda ay kabilang sa pinakamahirap na sektor na dapat tulungan ng pamahalaan,” ipinahayag ni Tolentino sa turnover ceremonies na magkakahiwalay na isinagawa sa Naic, Tanza, Rosario, at Cavite City.
Katuwang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture (DA), ang pamamahagi ng motorized fiberglass boats ay naglalayong iangat ang kabuhayan ng sektor ng pangisdaan sa Cavite. Ang mga bangka ay mayroon ding transponder para siguruhin ang lokasyon at kaligtasan ng mga mangingisda habang sila ay nasa laot.
“Nawalan ng hanap-buhay ang marami sa inyo dulot ng malawakang oil spill mula Bataan na kumalat hanggang dito,” ayon kay TOL, na tinutukoy ang pagtagas ng langis mula sa oil tanker na MT Terranova, na lumubog sa karagatan ng Limay, Bataan noong Hulyo 25, 2024.
“Tayo’y bumalik para tuparin ang pangako natin para tulungang makabangon ang mga kapatid nating mangingisda,” dagdag ni TOL.
Magugunitang si Tolentino ang naghain ng Senate Resolution No. 1084, na nagbunsod sa Senado para imbestigahan ang malubhang epekto ng oil spill sa kalikasan at kabuhayan ng mga mamamalakaya.
Noong Agosto 2024, sinamahan ni Tolentino si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa paghahatid ng tulong pinansyal sa libo-libong mangingisda ng Cavite. Nagsagawa rin si TOL ng sariling relief operations para alalayan ang mga biktima ng sakuna.
Bukod sa mga bangka na ibinigay sa apat na lokalidad, namahagi rin si Tolentino ng Sustainable Livelihood Program (SLP) assistance sa organisasyon ng mga mangingisda sa bayan ng Talisay, Batangas, sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DWSD).
May kahalintulad ding programa si TOL para naman sa mga mangingisda ng bayan ng Balayan sa Batangas, na ilulunsad sa Lunes, Pebrero 10.
post comments
Together We Rise: A Campaign for Everyone