Ikinalugod ni Senate Majority Leader Francis ‘TOL’ Tolentino ang ulat na nakaalis na ng Pilipinas ang lahat ng Afghan refugees na pansamantalang kinupkop ng gobyerno habang pino-proseso ang kanilang special immigrant visa (SIV) para tanggapin sa Estados Unidos.

“Sila’y dumating at umalis sa Pilipinas nang ligtas, tahimik, at walang anumang insidente. Ang desisyon natin na pansamantalang kupkupin ang Afghan refugees ay wasto, makatao, at kapuri-puri,” ani Tolentino, na isa sa mga unang sumuporta sa kasunduan sa pagitan ng US at Pilipinas para tulungan ang mga refugee.

Tinutukoy ni TOL ang balita mula sa US Embassy na nagsasabing nasa halos 200 lamang, at hindi 300 ang bilang ng naturang mga refugee ‘di gaya sa mga unang ulat.

“Dumating sila noong Enero 6, at umalis mula Enero 15 to 17. Ibig sabihin, nanatili lamang sila ng hanggang 11 araw, na mas maikli kaysa sa 59-day period na iginawad sa kanila ng pamahalaan para maasikaso ang kanilang visa,” ipinunto pa ng senador.

“Ang inisyatibang ito ay madadagdag sa mahaba at respetadong rekord ng Pilipinas sa tala ng kasaysayan ng pagtanggap sa mga refugee na tumatakas mula sa digmaan, karahasan, o persekusyon,” paliwanag ni TOL.

Ibinahagi nya na unang nagbukas ng pinto ang bansa para sa Russian refugees noong katapusan ng World War I; Jewish refugees na tumatakas sa persekusyon ng mga Nazi noong World War II; Vietnamese “boat people” na nilisan ang Vietnam War; at ang pinakahuli ay ang Rohingya refugees na biktima ng diskriminasyon at karahasan sa Myanmar.

Ang desisyon ng Pilipinas na pansamantalang kupkupin ang Afghan refugees bago tuluyang lumipat sa Estados Unidos ay “wasto, makatao, at kapuri-puri.” Ito ang idiniin ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino, bilang reaksyon sa mga ulat na nakaalis na ng bansa ang lahat ng Afghan refugees mula Enero 15 hanggang 17.

post comments